November 18, 2024

KITA NG PAGCOR UMANGAT NG 35.6 PORSYENTO SA UNANG SEMESTER NG 2023

MULING nalampasan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga revenue achievements nito makaraang magtala ang ahensya ng kabuuang kitang P36.21 bilyon sa unang kalahati ng 2023. Ito ay mas mataas ng 35.64 porsyento kumpara sa P26.70 bilyong kita ng ahensiya sa unang semestre ng 2022.

Ang kinita ng PAGCOR sa unang anim na buwan ng taon ay kulang lamang ng P2.59 bilyon o 6.68 porsyento para matapatan ang kinita nitong P38.81 bilyon bago magpandemya noong 2019.

Ayon kay PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco, dahil sa patuloy na pag-angat ng kita ng ahensya, malaki ang posibilidad na maabot o mahigitan pa ng PAGCOR ang pre-pandemic income nito sa pagtatapos ng 2023.

“Sasabay ang PAGCOR sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa. Sa pagbabalik ng mga gawaing pang-ekonomiya sa pre-pandemic level, naniniwala kaming magpapatuloy ang pag-angat ng gaming industry kasabay ng pagpapatibay ng aming regulatory policies upang makahikayat ng mga mamumuhunan sa ating bansa,” pahayag nito.

Batay sa January to June revenues ng PAGCOR, ang kinita ng ahensya mula sa gaming operations at regulatory fees mula sa licensees – na umabot ng P34.12 bilyon – ay nanatiling pinakamalaking tagapag-ambag sa kapansin-pansin nitong revenue performance. Ang naturang halaga ay 38.03 porsyentong mas mataas kaysa P24.72 bilyong kinita ng ahensya sa nagdaang taon.

Ang mas mataas na kita ng PAGCOR mula sa gaming operations sa unang kalahati ngtaon ay bunsod ng pag-angat sa total industry gross gaming revenue (GGR) ng ahensya.

Mula sa first semester record na P91.72 billion noong 2022, ang January to June GGR ng PAGCOR ngayong 2023 ay pumalo ng P136.37 bilyon – 48.68 porsyentong mas mataas kaysa naitalang kita sa kaparehong panahon noong nagdaang taon.

“Sa pamamagitan ng higit pang pagpapabuti sa aming regulatory policies, naniniwala kaming ang Pilipinas ay lalong magiging kaakit-akit na sentro ng gaming at entertainment para sa mga mamumuhunan at mga bisita,” paliwanag pa ni Tengco.

Dagdag pa ng PAGCOR chief, bilang isa sa mga pinakamalaking tagapag-ambag sa kaban ng pamahalaan, ang ahensya ay hindi umaasa sa anumang budget mula sa gobyerno.

“Ito’y kabaligtaran pa nga sapagkat ang PAGCOR ay naglalaan ng halos 70 porsyento ng kita nito para sa pamahalaan sa pamamagitan ng direktang remittances sa pambansang kaban at mandated contributions ng aming ahensya,” giit pa nito.

Samantala, dahil sa malaking kita ng PAGCOR sa unang kalahati ng taon, umangat din ng 48.50 porsyento ang ambag nito sa nation-building – mula P15.23 bilyon sa first half ng 2022 tungo sa P22.62 bilyon ngayong taon.

Sa P22.62 bilyong ambag ng ahensya sa nation-building, P16.20 bilyon ang direktang napunta sa National Treasury bilang 50 porsyentong government share. Ang 50 porsyento naman ng first semester remittances ng PAGCOR sa pambansang kaban o P8 bilyon ay ililipat sa Philippine Health Insurance Corporation upang pondohan ang Universal Healthcare benefits.

Maliban sa kontribusyon nito sa National Treasury, naglaan din ang PAGCOR ng P3.61 bilyon para sa socio-civic programs ng pamahalaan. Gayundin, P1.70 bilyon ang ini-remit sa Bureau of Internal Revenue bilang limang porsyentong franchise tax, habang ang Board of Claims na nasa pangangasiwa ng Department of Justice ay nakatanggap ng P19.92 milyon.

Nagkaloob din ang ahensya ng P810.47 milyon sa Philippine Sports Commission (PSC).

Nakatanggap din ng karagdagang P17.97 milyon ang PSC bilang Sports Incentives and Benefits para sa mga pambansang atleta at coaches na nagwagi sa international competitions. Samantala, ang mga lungsod namang mayroong mga sangay ng Casino Filipino ay napagkalooban P225.86 milyon.

Dahil sa magandang revenue performance ng PAGCOR sa unang anim na buwan ng 2023, tinataya ni Tengco na maaring umabot ang Gross Gaming Revenue o GGR ng local gaming industry ng humigit-kumulang P272.74 bilyon sa pagtatapos ng taon.

“Pumalo na ng P136.37 bilyon ang aming GGR sa first semester. Dahil sa magandang takbo ng ekonomiya sa kasalukuyan, umaasa kaming maabot o malampasan pa ang aming target na kita upang higit na makapag-ambag sa pagtataguyod ng bansa.”

Samantala, pinangunahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang site inspection ng isang multi-specialty hospital sa Clark, Pampanga na magkatuwang na binabalikat ng PAGCOR at ng Bloomberry Cultural Foundation, Inc. (BCFI).

 Ang naturang proyekto na bahagi ng socio-civic commitment ng PAGCOR ay sumusuporta sa layunin ng Pangulong Marcos na palawigin ang healthcare access sa mga lalawigan at mauunlad na lungsod sa bansa. Gayundin, inilinya ng kasalukuyang pamunuan ng PAGCOR bilang mga flagship projects ang pagpapatayo sa buong bansa ng mga school buildings, socio-civic centers, community wellness centers at e-learning centers. Nakatakda rin ilunsad ng ahensya ang

“Bawat Buhay Mahalaga Serbisyo Caravan” para tugunan ang ilang pangangailangan ng mga maralitang mamamayan.

Nauna rito, ang ahensya ay naging susi sa pagsasakatuparan ng ilang makabuluhang proyekto gaya ng pagtataguyod ng at pagpondo ng mga kagamitan para sa Presidential Security Group (PSG) Station Hospital, pagkakaloob ng donasyong P300 milyon para sa pagbili ng mga kasangkapan para sa OFW Hospital sa Pampanga at pagpapatayo ng multi-purpose evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang PAGCOR din ang siyang tumustos sa pagpapaayos ng mga pasilidad na ginamit sa 30th Southeast Asian Games noong 2019 sa pamamagitan ng donasyon nitong P842.5 milyon sa Philippine Sports Commission (PSC).