May 20, 2024

Kinakasama sugatan… BAHAY NILOOBAN SA CAVITE; NANAY PATAY SA 2 KAWATAN

NAKAHANDUSAY sa sahig at naliligo sa sariling dugo ang bangkay ng kanyang ina habang nadiskubre naman sa loob ng banyo ang kanyang kinakasama.

Ito ang eksenang nadatnan ng lalakeng si Lloyd Hendrick Andaya, isang security bodyguard ng isang hindi pinangalanan na pulitiko makaraang puwersahang pasukin at pagnakawan umano ng dalawang hindi pa kilalang suspek ang bahay ng mga biktima nitong gabi ng Biyernes sa Sitio Burol Andaya Compound, Barangay Paliparan 2 sa Lungsod ng Dasmarinas City sa Cavite.

Base sa report ni Police Lieutenant Colonel Julius Balano ang Officer in Charge  ng Dasmarinas City Police Station  sa Cavite Police Provincial Office nadatnan umano ni Lloyd Hendrick bandang alas-6:00 ng umaga nang dumating umano siya galing sa trabaho na sira ang glass aluminum na pintuan sa harap ng kanilang bahay at nakita niya ang kanyang ina na si Soccoro Andya, 63-anyos na duguang nakahiga sa sahig at wala ng buhay.

Nagkalat din ang mga gamit sa loob ng bahay at nawawala ang dipa batid na halaga ng kanilang itinabing pera kaya’t agad niyang hinanap ang kanyang kinakasama na si Nica Ricel Candado, 31 taon gulang na kanya naman natagpuan sa loob ng kanilang banyo na walang malay at may sugat sa ulo.

Mabilis na humingi ng tulong sa kanyang mga kamag-anakan si Lloyd Hendrick at isinugod sa De La Salle University Medical Center para gamutin ang kanyang live in partner.

Habang ang kanyang ina na si Soccoro ay dinala na sa Brazal Funeral Services para sa ginagawang autopsy examination para alamin ang naging sanhi ng pagkamatay nito.

Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation and investigation ang Dasmarinas City PNP.

Bigo naman makausap ng media ang hepe ng nasabing istasyon ng pulisya para sa ilan pang mga katanungan tungkol sa nangyaring malagim na krimen. (KOI HIPOLITO)