May 6, 2024

Kelot nagbigti sa harap ng bahay sa Malabon

NATULUYAN na ang isang lalaki na paulit-ulit nagtangkang magpakamatay matapos matagpuang nakabigti sa tapat ng isang bahay sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ipinadala nina P/SSg Diego Ngippol at P/SSg Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nadaanan pa ng saksing si Rovic Gabriel, 21, ang 32-anyos na biktima habang inaayos ang lamesa sa harap ng isang bahay sa Alupihan St., Brgy. Longos hawak ang isang panali ng bag.

Gayunman, nang pagbalik ng saksi dakong alas-12:40 ng madaling araw ay laking gulat niya nang makita ang biktima na nakabigti na ng panali ng bag.

Kaagad humingi ng tulong ang saksi sa kanilang mga kapitbahay na nagtulong-tulong na patirin ang tali ng bag na nakapulupot sa leeg ng biktima bago isinugod ng mga tauhan barangay sa Tondo Medical Center subalit, idineklara itong dead on arrival ng mga doctor.

Sa pahayag ng kapatid ng biktima sa pulisya, ilang ulit ng nagtangkang magpakamatay ang kanyang kapatid simula pa noong buwan ng Abril hanggang Mayo habang paulit-ulit na sinasabi ang katagang “Ayaw ko ng mabuhay, gusto ko ng mamatay,”

Inihayag din ni Jonnie na hindi na siya interesado sa isasagawang autopsy examination ng pulisya dahil naniniwala siya na walang foul play sa pagkamatay ng kanyang kapatid at kuntento na aniya siya sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis.