KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki na wanted sa kaso ng illegal na droga matapos matiklo ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Norhern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang akusado bilang si alyas “Jojo”, 33, ng lungsod.
Ayon kay Col. Goforth, si alyas Jojo ay nakatala bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person ng Caloocan CPS kaya iniutos niya sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa akusado.
Kaagad namang ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan CPS manhunt operation nang makatanggap ang mga ito ng impormasyon sa hinggil sa kinaroroonan ng akusado.
Bandang alas-8:30 ng gabi nang tuluyang madakip ng mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni P/Lt. Joselito Barredo ang akusado sa Interior 3, Barangay 73.
Si ‘Jojo’ ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 127, Caloocan City para sa paglabag sa Section 12 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) Pinapurihan naman ni BGEN Dela Cruz ang matibay na dedikasyon ng arresting team na nagpapalakas aniya ng tiwala ng publiko.
Hinimok din niya ang mga tauhan ng NPD na panatilihin ang antas ng pagganap at patuloy na maglingkod sa komunidad nang may kahusayan. (JUVY LUCERO)
