LUNGSOD NG MAYNILA – Iniulat ng Manila Police District (MPD) ang lalong pagbuti ng seguridad sa kabisera ng bansa matapos maitala ang malaking pagbaba ng bilang ng mga krimen sa buong taon ng 2025 kumpara noong 2024.
Sa ilalim ng pamumuno ni District Director PBGEN Arnold E. Abad, ipinakita ng datos mula sa District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) na bumaba ng 10.83% ang mga focus crimes. Mula sa 1,108 insidente noong 2024, bumagsak ito sa 988 nitong nakaraang taon—katumbas ng 120 nabawas na kaso.
Kapansin-pansin ang pagbaba sa iba’t ibang pangunahing kategorya ng krimen kung saan ang kaso ng murder ay naitalang bumagsak ng 47.5 porsyento, mula sa 80 insidente noong nakaraang taon patungong 42 na lamang sa kasalukuyan.
Malaking bawas din ang naitala sa mga kaso ng rape na bumaba ng 20.68 porsyento, habang ang mga insidente ng carnapping ng motorsiklo ay nabawasan ng 12.64 porsyento.
Gayundin, bumaba ng 40 porsyento ang carnapping ng mga sasakyan, kasunod ang pagbaba ng 8.80 porsyento sa mga kaso ng pagnanakaw o theft at 1.91 porsyento sa robbery o pananalisi.
Samantala, ang mga special complex crimes ay nagpakita rin ng 33.33 porsyentong pagbaba mula sa tatlong kaso noong 2024 patungong dalawa na lamang ngayong taon.
Ayon kay PBGEN Abad, ang tagumpay na ito ay bunga ng mas pinaigting na presensya ng mga pulis sa kalsada, mas mabilis na response time, at mas matibay na ugnayan ng pulisya sa komunidad.
“Malinaw sa mga numerong ito na epektibo ang ating mga pagsisikap. Ito ay resulta ng mas pinalakas na Police Presence at ang patuloy na pagpapatupad ng mga estratehiya laban sa kriminalidad sa bawat kanto ng Maynila,” pahayag ni PBGEN Abad.
Tiniyak ng MPD sa publiko na hindi sila magpapatumpik-tumpik sa kanilang tungkulin. Patuloy anilang pagbubutihin ng kapulisan ang kanilang serbisyo upang mapanatiling ligtas ang buhay at ari-arian ng bawat Manileño nang may integridad at dedikasyon. (ARNOLD PAJARON JR)
