November 5, 2024

KASUNDUAN SA PAGBABAWAL SA PULIS,MILITAR NA PUMASOK SA UP IBINASURA

NAG-TRENDING ang hasgtag #DefendUP sa social media ngayong Lunes, matapos lusawin ng National Defense (DND) ang kasunduan sa University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok sa loob ng campus.

Pinalagan ng mga netizen sa Twitter ang naturang hakbang kung saan pinangangambahan ng mga ito na isa na naman itong paraan ng administrasyon upang takutin at patahimikin ang mga aktibista na tumutuligsa sa ilang polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang na ang umano’y ‘red-tagging’ activities at sa COVID-19 pandemic response.

Iba’t iba ring opisyales na dating mag-aaral ng UP, tulad ni Senator Francis Pangilinan, ang nagpahayag ng pangamba tungkol sa termination, lalo na’t ang kasunduan ay ginawa upang mapanatili ang kalayaan at demokrasya.

 “Tinutulan natin ang panghihimasok ng diktador noon. UP has always been and will always be a citadel of freedom and democracy.  No to the unilateral and arbitrary termination of the Enrile-Soto Accord.  Pakiusap lang. Please don’t mess with UP,” saad ni Pangilinan.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot  sa higit 21,100 tweets ang hashtag #DefendUP.

Sinabi naman ng isang netizen na ang development na ito ay magdudulot ng takot, at idinagdag nito na gagawin lahat ng gobyerno upang patahimikin ang mga estudyante upang ihayag ang kanilang sentiyemento.