Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi ito mag-aatubiling parusahan ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mabibigong protektahan ang kalikasan, kasabay ng pagpapatibay sa hatol na “guilty” laban sa isang kapitan ng barangay sa Boracay na nagpahintulot sa operasyon ng isang open dumpsite.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ipinaalala ng Mataas na Hukuman na ang karapatan ng mamamayan sa isang balanse at malusog na ekolohiya ay isang garantiya sa ilalim ng Konstitusyon na dapat ipatupad at nangangailangan ng aktibong pangangalaga.
“Hindi mag-aatubili, o mag-aalinlangan ang Korte Suprema sa harap ng anumang kilos o pagpapabaya na nagbabanta sa pangunahing karapatang ito,” saad sa pahayag ng mataas na hukuman.
BASAHIN: RESIDENTE NA NAGTAPON NG BASURA SA TAPAT NG PASIL FISH MARKET, IKINAGALIT NI MAYOR ARCHIVAL
Idinagdag pa ng korte na partikular sa kaso ng Boracay, tungkulin ng hudikatura na suportahan ang rehabilitasyon ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin sa kalikasan.
Bunsod nito, pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals na nagdedeklarang nagkasala si Hector Casidsid, Kapitan ng Barangay Yapak sa Island of Boracay, Malay, Aklan.
Napatunayang lumabag si Casidsid sa Section 48(9), kaugnay ng Section 37 ng Republic Act No. 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Bukod sa hatol, inatasan din ng Korte Suprema si Casidsid na magbayad ng multang nagkakahalaga ng PHP 500,000 dahil sa pagpapahintulot sa iligal na open dumpsite sa kanyang nasasakupan.
