Nanindigan ang legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy nilang kukuwestiyunin ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na nagdedeklarang “fit to stand trial” o nasa tamang kondisyon ang dating lider upang humarap sa paglilitis.
Ayon sa kampo ni Duterte, labag sa karapatan sa due process ang 25-pahinang kautusan ng ICC Pre-Trial Chamber I na nagbabasura sa kanilang hiling na suspindihin nang walang takda ang mga legal na proseso.
Una nang ikinatwiran ng depensa na dumaranas ang dating pangulo ng cognitive impairment, ngunit hindi ito tinanggap ng chamber at itinakda na ang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.
Mariing binatikos ni Atty. Nicholas Kaufman, ang lead counsel ni Duterte, ang nasabing ruling dahil hinarang umano ang kanilang panig na magprisinta ng sariling medical evidence o kwestiyunin ang mga doktor na itinalaga ng korte.
Iginiit ni Kaufman na hihingi sila ng pahintulot na i-apela ang desisyon dahil sa kawalan ng pagkakataong hamunin ang mga court-selected experts.
Sa kabila nito, pinagtibay ng mga huwes ang kanilang pasya base sa pagsusuri ng tatlong espesyalista—isang forensic psychiatrist, isang neuropsychologist, at isang geriatric neurologist—na nagkakaisang nagsabi na may sapat na mental na kapasidad si Duterte para gamitin ang kanyang mga legal na karapatan at ituloy ang pre-trial process. (Limuel Tolentino)
