Kakulangan ng mga classroom. Ito ang pangunahing isyu na dapat agarang tutukan ng Department of Education (DepEd) batay sa resulta ng isang survey na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian.
Ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong Setyembre 17-21, 2022, 52% ng mga kalahok ang nagsabing ang kakulangan sa classroom o silid aralan ang isyung dapat unang tutukan ng DepEd.
Halos anim sa sampung kalahok sa Luzon (56%) at Mindanao (57%) ang naniniwalang dapat unahin ng DepEd ang kakulangan sa classroom. Ito rin ang paniwala sa National Capital Region at Visayas kung saan parehong 44% ng mga kalahok ang nagsabing kakulangan sa classroom ang pangunahing isyu na dapat tutukan ng DepEd.
Kakulangan din sa classroom ang dapat iprayoridad ng DepEd ayon sa mahigit kalahati ng mga kalahok mula sa class ABC (52%) at D (54%). Halos kalahati naman ng mga kalahok mula sa Class E (49%) ang sumasang-ayon dito.
Para kay Gatchalian, kailangang tiyakin ng pamahalaan na mapupunan nito ang kakulangan sa mga classroom. Lumalabas na kulang ng 167,901 na silid-aralan ang bansa ayon sa 2019 National School Building Inventory (NSBI). Sa pagtalakay sa 2023 national budget, ibinahagi ni Gatchalian na P420 bilyon ang kinakailangan ng bansa para mapunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Lumabas din sa isinagawang survey na mahigit 40% ng mga kalahok ang nagsasabing dapat bigyan ng prayoridad ang kakulangan ng mga aklat at computers (49%), pati na rin ng mga guro (45%). Lumalabas naman na 33% lamang ang naniniwalang dapat munang tutukan ng DepEd ang kalidad ng edukasyon, at 24% naman ang tumukoy sa kakulangan ng textbooks.
“Bagama’t prayoridad para sa karamihan ng ating mga kababayan ang sapat na mga classrooms, titiyakin natin na tutugunan din natin ang ibang mga kakulangang kinakaharap natin, lalo na pagdating sa kalidad ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Lumitaw din sa isinagawang survey ang iba pang mga isyu tulad ng drug testing para sa mga mag-aaral, mababang sahod para sa mga guro, wika sa pagtuturo, mga pagkakamali sa textbook, at kakayahan ng mga guro.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!