Matapos ang tapatang pag-amin na nasa “rock bottom” siya dahil sa iniindang ACL injury, nagpakitang-gilas agad ang 7-foot-3 na Gilas Pilipinas slotman na si Kai Sotto.
Nitong nagdaang weekend, bumida si Sotto sa magkasunod na double-double performances para bitbitin ang Koshigaya Alphas sa isang dikit na 81-80 na panalo laban sa Levanga Hokkaido sa Japan B.League.
Sa larong ginanap nitong Linggo, nagtala ang Pinoy center ng 20 puntos, 14 rebounds, dalawang assists, at isang block.
Ang nasabing tagumpay ay naging matamis para sa Alphas dahil naputol nila ang 13-game home win streak ng Hokkaido, na pinamumunuan ng kapwa Gilas mainstay na si Dwight Ramos.
Nagsilbi itong malaking boost sa kompiyansa ni Sotto lalo na’t papalapit na ang FIBA window sa huling bahagi ng buwang ito.
Matatandaang nitong nakaraang Miyerkules lang ay inamin ng dating Ateneo high school star ang hirap na pinagdaraanan sa kanyang pagbabalik mula sa mahabang layoff dahil sa injury.
Sinabi ni Sotto na nararamdaman niyang nasa pinakamababang punto siya ng kanyang career, ngunit determinadong bumangon dahil ang tanging direksyon na nakikita niya ay paitaas.
Bago ang kanyang heroics noong Linggo, nagparamdam na rin si Sotto noong Sabado kung saan kumolekta siya ng 14 puntos, 10 rebounds, at anim na assists sa kanyang ika-apat na laro simula nang bumalik sa aksyon.
Bagama’t natalo ang Koshigaya sa unang laban sa iskor na 81-88, naging mitsa naman ito para sa mas matinding laro ni Kai sa rematch.
Sa kabilang banda, si Dwight Ramos na kumamada ng 18 puntos noong Sabado ay hindi pinalad na makapuntos nitong Linggo.
Dahil sa resulta ng mga laro, umakyat ang record ng Alphas sa 13-22 ngayong season, habang nananatili pa rin sa unang puwesto ng Eastern Conference ang Hokkaido sa kabila ng kanilang ikasiyam na pagkatalo sa 35 na laro. (Ron Tolentino)
