Isinulat ni Jenna Kaila Napolis ang pangalan niya sa talaan ng 2025 World Games matapos masungkit ang unang medalya ng Pilipinas — isang pilak sa women’s -52kg ne-waza jiu-jitsu event nitong Linggo, Agosto 10, sa Jianyang Cultural and Sports Centre Gymnasium.
Bagama’t nagtapos sa 2-2 laban sa South Korea’s Im Eon Ju sa finals, nanaig ang Koreana sa pamamagitan ng advantage points para sa gintong medalya.
Muntik nang maging ikatlong gold medalist ng bansa sa World Games si Napolis, kasunod nina Carlo Biado (2017, billiards) at Junna Tsukii (2022, karate).
Sa daan patungong finals, tinalo ng 2019 World Martial Arts Masterships at 2023 SEA Games gold medalist ang UAE’s Asma Alhosani sa pool stage at pinatumba si Pnina Aronov ng Israel sa semifinals para masiguro ang medalya.
Target ng Pilipinas na higitan ang 2022 World Games performance kung saan iisang medalya lang — mula kay Tsukii — ang naiuwi.
Unang isinagawa noong 1981, ang World Games ay ginaganap kada apat na taon at tampok ang mga sports na wala sa Olympics. (RON TOLENTINO)
