May 4, 2024

JEEP TUMALON SA BANGIN; 3 PATAY, 7 SUGATAN

MACALELON, QUEZON – Binawian ng buhay ang tatlo katao habang pito naman ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang jeep sa Brgy. San Nicolas sa nabanggit na bayan Sabado ng hapon.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Markus Orillenida, Noel Orillenida III (kapwa estudyante) at Melvin Villaraza.

Habang sugatan naman ang jeepney driver na si Noel Orillenida II, at mga pasaherong sina Nelanie Orillenida, Regie Crispo, Anthony Albarico, Lorenzo Abrencillo, Romnick Crispo at si Rustom Crispo.

Batay sa ulat ng imbestigador ng Macalelon Municipal Police Station kasalukuyang lulan ang mga pasahero ng jeep na minamaneho ni Noel II, sa matarik na bahagi ng nasabing lugar na pinangyarihan ng aksidente nang mawalan ito ng kontrol sa manibela at nagtuloy-tuloy na nahulog sa bangin.

Mabilis naman nagresponde ang Gumaca MDRRMO at 85th Infantry Sandiwa Batallion ng Armed Forces of The Philippines gamit ang mga ambulansya at military truck at dinala ang mga biktima sa Gumaca Municipal Hospital. Nahaharap ngayon ang driver ng jeep sa mga kasong Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries and Damage to Property at nasa kustodiya ngayon ng Macalelon PNP. (KOI HIPOLITO)