May 4, 2024

14 beses sinaksak… SUSPEK SA PAGPATAY SA DE LA SALLE STUDENT SA CAVITE, ARESTADO

CAVITE — Arestado ng pulisya ang suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa 22-anyos na estudyante na si Queen Leanne Daguinsin sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay Dasmariñas Police chief Lt. Col. Juan Oruga Jr., natagpuan ang suspek na si Angelito Erlano, alyas Kulet, na nagtatago sa bahay ng kanyang kaibigan sa Purok 4, Brgy. Victory Reyes, Dasmariñas City.

“Hindi ko po sinasadya na mangyari ‘yun, nadala lang po ako ng takot. Nagsisisi po ako,” saad ng suspek sa mga reporter.

Sugatan naman ang isang police officer nang tangkain saksakin ng improvised screwdriver ng suspek matapos pumalag sa aresto.

 “Nagkaroon ng konti pang komosyon, nagtangka pang saksakin ang ating pulis. Nagpagulong-gulong siya at nagkaroon po ng konting bruises sa katawan,” ayon kay Oruga.

Napatay ang biktima, na isang computer science graduating student mula sa De La Salle University-Dasmasriñas, ng salarin na pumasok sa kanyang dormitory sa Barangay Santa Fe ng madaling araw noong Marso 28.

Lumabas sa awtopsiya na nagtamo ng 14 saksak, isang fatal jab sa leeg, 9 sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at 4 sa kanyang pulso at braso, na malinaw na dinepensahan niya ang kanyang sarili. (KOI HIPOLITO)