Isang malaking hakbang tungo sa pagprotekta sa kalikasan at kabuhayan ang nakatakdang ipatupad sa Iriga City matapos aprubahan ng People’s Survival Fund (PSF) ang P32.48 milyong grant para sa proyektong ‘Securing Water as Adaptive Mechanisms for Survival and Sustainability (SWAMSS)’.
Layunin ng inisyatibong ito na ibalik ang sigla ng ecosystem at watershed functions ng Mt. Iriga upang mas mapangalagaan ang buhay, ari-arian, at kabuhayan ng mga lokal na komunidad laban sa banta ng pabago-bagong panahon.
Ayon kay PSF Chair Frederick D. Go, ang pagpapalakas sa watershed systems at pagbibigay-kapangyarihan sa mga komunidad ay isang mahalagang investment para sa long-term resilience at sustainable development ng bansa.
Sa ilalim ng SWAMSS project, itatayo ang mga demonstration farms para sa organic vegetable production na magbibigay ng pagsasanay sa mahigit 2,000 magsasaka, kasabay ng pagpapatayo ng mga nursery para sa mga katutubong puno upang suportahan ang reforestation at climate-resilient farming. Kasama rin sa plano ang pagpapalakas sa kapasidad ng 25 forest rangers at ang revegetation ng mga river easements at gullies upang maiwasan ang erosion at mapangalagaan ang watershed.
Upang mas mapataas ang kahandaan sa sakuna, maglalagay ang proyekto ng tatlong Early Warning Systems sa mga upland areas at sasailalim sa training ang mga tauhan ng Local Government Unit pati na ang mga opisyal ng barangay sa 21 sakop na lugar ng lungsod.
Ang kabuuang halaga ng proyekto ay nasa P35.23 milyon kung saan ang P32.48 milyon ay magmumula sa PSF habang ang LGU ng Iriga City naman ay maglalaan ng P2.8 milyon bilang counterpart fund.
Ang proposal na ito ay opisyal na inaprubahan noong ika-24 na PSF Board meeting nitong Marso 31, 2026.
Sa kasalukuyan, ang PSF ay sumusuporta na sa 28 proyekto sa buong bansa na may kabuuang pondo na umaabot sa P1.549 bilyon para sa mga full projects at project development grants.
Ang PSF ay binuo sa ilalim ng Republic Act No. 10174 upang pondohan ang mga climate adaptation programs ng mga LGU at mga accredited community organizations para sa mga localized solutions laban sa climate change. (MINA PADERNA)
