Bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya para sa seguridad ng publiko, pormal nang inilatag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang mga bagong alituntunin sa ilalim ng “Safer Streets” initiative.
Layunin ng mga naturang polisiya na bawasan ang mga krimen sa kalsada at ibalik ang disiplina sa mga komunidad.
Sa ginanap na press conference nitong Abril 6, binigyang-diin ng DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi na sapat na bumaba ang istatistika ng krimen, kundi dapat ay aktuwal na nararamdaman ng mga mamamayan ang kaligtasan sa labas ng kanilang mga tahanan.
Bawal ang Inuman at ‘Topless’ sa Kalsada Kabilang sa mga mahigpit na ipatutupad ay ang “Anti-Public Intoxication Act.” Simula ngayong araw, mahigpit nang ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong kalsada, kabilang ang paglalatag ng mga mesa at silya sa bangketa para mag-inuman. Ayon sa mga otoridad, ang inuman sa kalye ang pangunahing mitsa ng mga away, gulo, at insidente ng sexual harassment.
Kasabay nito, ipinagbabawal na rin ang mga lalaking naglalakad nang walang suot na t-shirt o “topless” sa mga pampublikong lugar. Tinawag ito ng DILG na isang “act of civility” o pagpapakita ng kagandahang-asal at respeto sa kapwa habang nasa kalsada.
Ipatutupad din ang mas mahigpit na curfew para sa mga menor de edad (18 anyos pababa) simula alas-10 ng gabi. Ang mga kabataang nasa labas pa sa ganitong oras ay kailangang magpakita ng patunay ng trabaho o pag-aaral kung sila ay pauwi pa lamang, kung hindi ay dadalhin sila sa mga barangay center.
Maging ang mga mahilig sa videoke ay hindi ligtas sa bagong patakaran. Iniatas ng PNP na dapat ay tumigil na ang anumang videoke o malakas na ingay pagsapit ng alas-10 ng gabi upang bigyang-daan ang pagpapahinga ng mga kapitbahay. Ang mga lalabag ay maaaring isumbong sa 911 at agad na pupuntahan ng mga rumespondeng pulis.
5-Minute Response Time ng Pulisya Tiniyak ng PNP na magiging mabilis ang kanilang aksyon sa pamamagitan ng “5-minute response time” sa bawat tawag sa 911. Ang mga pulis na mabibigong rumesponde sa loob ng limang minuto nang walang sapat na dahilan ay isasailalim sa imbestigasyon para sa neglect of duty.
Ayon sa pamunuan ng NCRPO, ang mga hakbang na ito ay hindi lamang para sa Metro Manila kundi inaasahang ipatutupad din sa iba pang pangunahing lungsod gaya ng Cebu, Davao, at Baguio. Ang kampanyang ito ay isang “social compact” sa pagitan ng gobyerno at mamamayan upang matiyak na ang bawat kalsada sa Pilipinas ay ligtas para sa lahat sa anumang oras.
