Kalaboso ang bagsak ng isang 39-anyos na lalaki matapos itong madakip sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Cainta Police Station kaugnay ng isang insidente ng pangho-holdup sa Brgy. San Juan, madaling araw nitong Linggo, Abril 5.
Kinilala ang nadakip na suspek na si alyas Gleen, isang helper at residente ng Anakpawis Floodway sa nasabing barangay.
Samantala, ang biktima naman ay kinilalang si alyas Janby, 26-anyos, na residente ng Gruar Subdivision, Brgy. Sto. Domingo.
Batay sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima sa Lark St., Anakpawis Floodway dakong ala-1:25 ng madaling araw nang biglang sumulpot ang suspek.
Gamit ang isang hindi pa matukoy na kalibre ng baril, tinutukan ng suspek ang biktima at nagdeklara ng “hold-up.”
Matagumpay na natangay ng suspek ang isang Realme 10 cellphone na nagkakahalaga ng P13,000.00 at isang wallet na naglalaman ng P5,000.00 cash bago mabilis na tumakas palayo sa lugar.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang biktima at agad na humingi ng saklolo sa mga nagpapatrolyang otoridad.
Sa mabilis na pagtugon at isinagawang hot pursuit operation, nasakote ang suspek kung saan narekober ang ninakaw na cellphone.
Gayunpaman, hindi na nahanap ang wallet na may lamang pera at ang baril na ginamit sa krimen.
Dinala ang suspek sa Cainta Municipal Hospital para sa medical examination bago tuluyang ipinasakamay sa mga imbestigador dakong alas-5:45 ng umaga para sa tamang disposisyon.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Cainta MPS ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Robbery laban kay alyas Gleen sa pamamagitan ng inquest proceedings.
