May 19, 2024

IŇIGO PASCUAL, APEKTADO RAW SA MGA PASABOG SA KANYANG AMANG SI PIOLO PASCUAL

TALK of the town ngayon ang hindi pagsipot ni Iñigo Pascual sa presscon ng international collaboration ng ABS-CBN Music sa foreign record label na Tarsier Records para sa kantang ‘Rise.’ Umiwas daw si Iñigo sa mga press at media na magtatanong sa kanya na tiyak na mamababaling lang sa ama niyang si Piolo Pascual ang usapan.

Inilayo raw muna ng pamunuan ng ABS-CBN si Iñigo upang hindi ito madamay sa ibinulgar ni BB Gandanghari tungkol sa kanyang ama. Kaya sa presscon, hindi na lang dumalo ang anak ni Piolo upang hindi maapektuhan ang career nito na gumagawa pa naman ng magandang ingay sa music industry.

Sa kasamaang palad, hindi ito ang unang beses na nadamay si Iñigo sa mga isinisiwalat kay Piolo. Kung inyong matatandaan, naging usapan dati ang kasarian ng mag-ama. Kaya sana raw ay tigilan na nila ito at ang pakiusap ng mga fans ng actor-singer ay huwag nang idamay ang kanilang idolo dahil alam nilang tunay na lalaki ito.