May 20, 2024

IMEE: PPE, MEDICAL SUPPLIES MGA BAGONG INSTRUMENTO NG MONEY LAUNDERING

Pinangangambahan ni Senador Imee Marcos na magamit sa pinakabagong modus ng money laundering ang mga personal protective equipment ( PPE), testing kits, disinfectants, respirators, surgical tools at inaasahang bakuna kontra sa Covid-19.

Paliwanag ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na dahil sa kagyat at mataas na demand sa buong mundo ng mga medical supply at mga equipment kontra sa pandemya, maluwag ang proseso sa pagbili at regulatory requirements ng mga gobyerno at mga pribadong ospital kaya mapapasukan ito ng bagong modus o mga pinansyal na katiwalian.

Ayon pa kay Marcos, sa mga medikal na pangangailangan nakakita ng bagong modus sa money laundering, makaraang humina ang kita o korapsyon ng mga financial criminal sa casino at real estate operations dahil sa limitadong galaw at mga pampublikong pagtitipon, limitadong paggamit ng mga opisina at nauso ang work from home dulot ng Covid-19 pandemic.

“Ang amyenda sa Anti-Money Laundering Act ay hindi dapat madaig ng nasabing bagong development o modus,” diin ni Marcos.

Dagdag pa ni Marcos, posibleng pasukin ng nasabing modus ng money laundering ang kakulangan sa Php2.5-billion budget sa pagkuha ng bakuna kontra sa Covid-19 sa susunod na taon, sa harap na rin ng paglobo ng panawagan ng publiko at paghanap ng gobyerno at mga pribadong institusyon ng paraan o remedyo sa kakapusan ng supply.

Sa pinakahuling plenary report ng pandaigdigang bantay sa money laundering, ang Paris-based Financial Action Task Force (FATF), napuna ang tumataas na insidente ng financial fraud na kinasasangkutan ng mga overpriced at counterfeit medical goods.

Napuna rin ng Council of Europe monitoring body na Moneyval ang ginagawang panloloko sa mga medical equipment na isa sa tatlong uri ng financial crime na talagang lumala sa panahon ng pandemya, kabilang ang pandaraya at pagnanakaw na konektado sa pagbigay ng ayuda at sa public procurement contracts.

Inihain ni Marcos ang Senate Bill 1545 para masigurong hindi madadawit ang Pilipinas sa nakababahalang listahan ng FATF ng mga bansang kinukonsiderang mataas ang tiyansang hindi magamit sa tama ang international financial system.

Ang panukalang batas ni Marcos ay layong bigyang ngipin ang Anti-Money Laundering Council sa pagkakaloob dito ng karagdagang kapangyarihan na magbantay, mag-imbestiga, at i-subpoena ang mga hinihinalang financial criminals, gayundin ang pag-freeze sa lahat ng kanilang ari-arian at magsagawa ng forfeiture proceedings maliban kung pagbawalan ng Court of Appeals o Korte Suprema.