May 7, 2024

2 most wanted persons, nabitag sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang dalawang lalaki na listed bilang most wanted persons sa Valenzuela City matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons sa lungsod.

Pinuri ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pamumuno ni PLT Robin Santos sa matagumpay na pagkakaaresto sa most wanted na kinilalang si Wendell Colao, 22 ng Gumamela Extension, Brgy. Gen T. Deleon.

Ayon kay Col. Destura, nagsagawa ng manhunt operation in relation to SAFE NCRPO ang mga tauhan ng WSS na nagresulta sa pagkakadakip kay Colao sa kanyang bahay dakong alas-4:06 ng hapon.

Ani PLt. Santos, si Colao ay dinakip nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Mateo B Altarejos ng Family Court Branch 16, Valenzuela City para sa kasong Statutory Rape in Relation to Sec. 5 (B) of R.A. 7610.

Samantala, dinampot naman ng mga operatiba ng Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna ni PLT Ronald Bautista ang isa pang most wanted na kinilalang si Bingbong Doma, 23 ng Sapphire St. Brgy. Dalandanan sa isinagawang manhunt operation sa A. Pablo St., Brgy. Karuhatan bandang alas-5:00 ng hapon.

Si Doma ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Romillo C Camarillo ng Regional Trial Court Branch 107, Valenzuela City para sa kasong Robbery in an Uninhabited Place or in a Private Building (RPC ART. 302).