May 17, 2024

URCC Bare Knuckle fight… NAGBABAGANG WAGI NI KERJHONS ‘MR’ MAINIT

NAGLILIYAB ang mga kamao ni Kerjhons ‘Mr’ Mainit sa unang round pa lang ng salpukan nila ni Map Soberano sa main event habang dumadagundong naman ang buong venue ng XYLO sa unang kakaibang  handog na bakbakan ng nag-organisang Universal Reality Combat Championship 80 Bare Madness – bakbakang walang gloves na tinaguriang ‘bare knuckle fight night’ nitong Miyerkules ng gabi sa Uptown BGC sa Taguig City.

Natapos ang unang round na mainit at agresibo ang atake ng palabang si Soberano na agad namang nagpadugo sa bibig ng huli.

Pagtikada ng ikalawang round ay humahangos ang atake ng hari din ng hip hop dancing na si Kerjhons kung saan isang left hook ang dumapo sa panga na siyang nagpatumba kay Map sa mat na dahilan upang mabilangan ng ito ng  referee.

Matamang nag -girian ang dalawang protagonista sa final round habang sumisigaw ang fight crowd nang mas maraming aksyon kung kaya sa huling bahagi ng 3rd round ay nagpalitan na ng mga upak ang dalawa na mistulang patay kung patay at di alintana na ang kanilang laban ay walang gamit na gloves sa kanilang kamao.

Bagama’t matindi ang palitan ng artillery sa kanilang upakan ay tinanghal na wagi ang tubong Pampanga na si Kerjhons via unanimous decision.

“Parati kong sinasabi, ayaw ko ng kalaban, gusto ko..kaliyaban. Let this history unfold. Maraming Salamat sa URCC. Bahagi na ako ng kasaysayan na first ever bare knuckle in the Philippines.” wika ni Mr. Mainit na nagbigay- pugay din sa katunggaliang si Map at URCC Chief Alvin Aguilar.

“This is it. It goes where we want it to be. Huge success ang unang staging natin ng bare knuckle,,, bakbakan pa!!”,ani pa URCC chief Aguilar-pangulo rin ng Wrestling Association of the Philippines.