May 15, 2024

DOJ Spokesman, itinanggi na may kinalaman sa suspension ni Gen. Gerald Bantag

Mariing pinabulaanan ng tagapagsalita ng Department of Justice ang akusasyon ni suspended Bureau of Correction Director General Gerald Bantag na may kinalaman siya sa suspension nito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Mico Clavano, misguided lamang si Bantag nang sabihin niya sa media na may kinalaman siya sa kinakaharap niya na isyu.

Sa isang radio interview, binanggit kasi ni Bantag na natalo lamang sa bidding ng pagkain sa Bilibid ang ama ni Clivano kung kaya’t siya ang pinag-initan nito.

Ayon kay Clavano, hindi nya kilala si Bantag bago pa man ang pagpasok niya sa Department of Justice.

Tinanggap daw niya ang pagiging tagapagsalita ng DOJ para tumulong sa Kagawaran upang maihatid ang mga nararapat na impormasyon na dapat malaman ng publiko.

Handa rin daw nya alalayan si Bantag hanggat ito ay nasa DOJ upang harapin ang anumang mga paratang laban sa kanya.