May 13, 2024

5 drug suspects arestado sa P272K shabu sa Valenzuela

NASA P272,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa limang drug suspects, kabilang ang isang mag-asawa matapos maaresto sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela police chief Col. Salvadro Destura Jr, dakong alas-7:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Karen Avenue, Brgy. Gen T De Leon, harap ng Thoa Basketball Court.

Kaagad inaresto ng mga operatiba si Richard Alejandrino, 49, at kanyang asawa na si Jeanette Alejandrino, 48, kapwa ng Maysan Road, matapos bintahan ng P45,000 halaga ng droga si PSSg Gabby Migano na nagsilbi bilang poseur buyer.

Ani PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa mga suspek ang himigi’t kumulang 35 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) Php238,000.00, buy bust money, cellphone at P300 recovered money.

Nauna rito, dakong ala-1:45 naman ng madaling araw nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa No. 4158 S. Bautista St., Brgy. Mapulang Lupa sina Marianne Salas alyas “Mado”, 37, Randy Delos Santos, 40, at Jeffer Hardy Garcia, 47.

Ayon kay PCpl Pamela Joy Catalla, nakuha sa mga suspek ang tinatayang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may corresponding SDP P34,000.00, P500 buy bust money, coin purse, P500 recovered money at cellphone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.