NASA kritikal na kalagayan ang isang 28-anyos na binatang truck driver matapos pagsasaksakin ng mga kalalakihang nangingikil ng salapi makaraang tumangging magbigay ang biktima sa Navotas City, Lunes ng madaling araw.
Kaagad na isinugod ng kanyang mga kasamahan sa Tondo Medical Center ang biktimang si Jason Tisado, residente ng 505 North Bay Boulevard North (NBBN), kung saan siya nakaratay at patuloy na ino-obserbahan sanhi ng tinamong mga saksak sa likod.
Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging subalit bigo silang makilala at madakip ang mga kalalakihang nagtulong-tulong sa pananaksak sa biktima.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Joseph Provido ng Navotas police homicide section, naglalakad pauwi ang biktima, kasabay ng lima pang mga kasamahan niya sa trabaho dakong alas-2 ng madaling araw nang harangin ng grupo ng mga lasing na kalalakihan sa kahabaan ng North Bay Boulevard.
Hiningan ng salapi ng mga hindi pa kilalang suspek si Tisado subalit tumanggi siyang magbigay kaya’t bumunot ng patalim ang mga suspek at pinagbantaan siyang papatayin kapag hindi nagbigay.
Dito na tumakbo si Tisado subalit hinabol siya ng mga suspek at nang abutan ay pinagtulungang saksakin sa likurang bahagi ng katawan.
Nang duguang bumagsak ang biktima, nagsitakas na ang mga salarin kaya’t isinakay si Tisado sa isang tricycle ng kanyang mga kasamahan sa trabaho na nakasaksi sa pangyayari.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA