May 5, 2024

Miyembro ng “Zaragosa Drug Group”, kasabwat, timbog sa Navotas buy bust


ARESTADO ang dalawang listed drug personalities, kabilang ang isang miyembro ng “Zaragosa Drug Group” matapos makuhanan ng higit P.1 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Christopher Criste alyas “Boyet Pilay”, 46, miyembro ng “Zaragoza drug group” at Ramon Ronquillo, 50, kapwa ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Ayon kay Ollaging, dakong alas-10:35 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas police sa pangunguna ni PLT Luis Ruf Jr ng buy but oparetion sa S. Roldan St., Brgy. Tangos South kung saan nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police sa mga suspek ng P500 halaga ng droga.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba at dinamba nila ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 22 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 149,600.00 at marked money.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 91 65 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.