January 28, 2025

HONTIVEROS SA NGCP: I-REFUND P200-B SA CONSUMERS

LUBANG ikinagalak ni Senador Risa Hontiveros nang hindi pahintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang “patong charges” ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ipinapatong naman ng distributor sa singil ng kuryente.

Umaasa si Hontiveros na kikilos kaagad ang ERC para ibalik ang sobrang singil sa consumer sa lalong madaling panahon.

“Walang ibang dapat patunguhan ang desisyong ito kundi mabilisang refund,” ayon sa Senador.

Ibinasura ng ERC ang paniningil ng NGCP ng mahigit P200 bilyong halaga ng advertising, entertainment, at iba pang gastusin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang “pass on charges” na papasanin ng consumers.

Binanggit ni Hontiveros ang desisyon ng ERC na nagsasabing: “The ERC, as part of its partial decision on NGCP’s performance and operations (phase 1), disallowed P200 billion worth of the grid operator’s expenses related to “public relations, corporate social responsibility (CSR), representation and entertainment, advertising, donation for COVID-19, charitable contributions, unfinished projects and other miscellaneous expenses.” While the NGCP may not be prevented from incurring such expenses, the ERC ruled that these should not be passed on to consumers.”

“Masaya tayo na tumugon na ang bagong ERC sa matagal na nating panawagan na alisin ang mga kontrobersyal na “pass-on charges” mula sa gastos ng NGCP na wala namang direktang kinalaman sa kanilang uri ng operasyon sa transmission ng kuryente. Umaasa rin tayo na sa lalong madaling panahon ay magdulot na ito ng refund at pagbaba ng binabayarang monthly power bill sa bawat kabahayan, lalo na kung masasaklaw ng kahalintulad na desisyon ang kaso ng mga distribution utilities na parehong nagpasa ng katulad na mga charges sa mga konsyumer,” ayon kay Hontiveros.

Simula noong 18th Congress, patuloy na kinakalampag ni Hontiveros ang ERC na huwag payagan ang NGCP sa pagpataw ng naturang gastushin at bawasan ang sobrang taas ng singil sa weighted average cost of capital o WACC.

Sinabi rin ng senador na napapanahon ng tuldukan ang power utilities sa kanilang patuloy na “palusot” at “tongpats” na uri ng singil na itinatago sa usapin ng PR, CSR at charity works, na binabayaran ng mga consumer.

“Can you imagine that COVID donations and entertainment expenses ay irerekober sa bulsa ng taumbayan?” giit ni Hontiveros.

Umaasa si Hontiveros na magiging halimbawa ang ERC disallowance sa lahat ng power utilities na sakop ng komisyon.

“Similar expenses incurred by private distribution utilities should also now be disallowed from being recovered against paying consumers.”

“Sana ay mapaaga pa ng ERC ang final determination ng rates sa 4th RP para makahabol pa ang refund sa ating Noche Buena,” ani Hontiveros. “Umaasa ako na may pagkakataon pa para maituwid ito nang sa gayon ay sa pagkakataong ito, ang mai-maximize naman natin ay refund para sa konsyumer, hindi ang labis-labis na tubo ng mga utilities,” patuloy ni Hontiveros.