
Inanunsyo ni US President Donald Trump nitong Linggo na nais niyang ilipat ang mga homeless na tao nang “malayo” sa sentro ng Washington, kasabay ng kanyang plano na gawing mas ligtas at maganda ang kabisera ng Amerika.
Ayon kay Trump, bibigyan ang mga homeless ng mga lugar na matutuluyan ngunit malayo sa distrito ng Capitol, habang siniguro niya na mabilis ding mahuhuli at mapaparusahan ang mga kriminal sa lungsod.
“Gagawin kong mas ligtas at mas maganda ang ating Kabiserang lungsod kaysa dati,” ani Trump sa wikang Ingles sa kanyang Truth Social post.
“Ang mga homeless ay kailangang umalis agad, at bibigyan namin sila ng tirahan, pero malayo sa Capital.”
Pinaplano rin ng pangulo na ipakita sa isang press conference sa Lunes ang kanyang mga hakbang para sa Washington, na sa kasalukuyan ay pinamamahalaan ng lokal na pamahalaan ng District of Columbia sa ilalim ng supervisyon ng Kongreso. Matagal nang ipinaglalaban ni Trump ang pagkuha ng kontrol ng pederal na gobyerno sa lungsod.
Bagamat iniulat ni Trump ang pagtaas ng krimen sa Washington, ipinakita ng mga datos na bumaba ang violent crime sa lungsod ng 26 porsyento sa unang kalahati ng 2025 kumpara noong nakaraang taon.
Ayon pa kay Washington Mayor Muriel Bowser, wala namang spike sa krimen at mali ang paghahambing sa lungsod sa isang “war zone.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na banta ni Trump ang paggamit ng National Guard sa mga lungsod na pinamumunuan ng mga Demokratiko. Kamakailan lamang, nagdeploy siya ng military reserve force sa Los Angeles upang supilin ang mga protesta laban sa mga immigration raid.
Patuloy ang tensyon sa pagitan ng pederal na administrasyon ni Trump at mga lokal na pamahalaan na tinutulan ang kanyang mga hakbang. (LIMUEL TOLENTINO)
