November 24, 2024

‘HISTORY IS LIKE TSISMIS’  – ELLA CRUZ (Castro nais ibalik ang PH history sa HS!)

Hinikayat ni ACT Teachers Representative France Castro ang Kamara de Representantes na bigyang prayoridad ang pagpapatibay ng panukalang batas para maibalik ang subject na Philippine History sa high school curriculum.

Ito’y kasunod ng pahayag ng aktres na si Ella Cruz na ang history ay para lang isang ‘tsismis’.

“Pinatunayan lamang muli na kailangang kailangan talaga na ibalik ang Philippine History bilang asignatura sa high school dahil ngayon, tinuturing na lamang itong ‘tsismis’ ng iilan upang baluktutin ang kasaysayan ng ating mamamayan,” saad ni Castro.

Inihain ni Castro ang House Bill 207 na katulad ng panukalang inihain niya sa 18th Congress bilang tugon sa panawagan ng iba’t ibang professional organizationsat Philippine History advocates.

Tinanggal ang Philippine History bilang bahagi umano ng reporma sa edukasyon sa ilalim ng K to 12 program ng Department of Education. Sa halip, isinisingit na lamang ito sa ibang subject sa high school.

“Hindi ‘kwentong barbero’ ang pag-aaral ng kasaysayan dahil ito ay may siyentipikong paraan ng pagpapatunay at fact-checking. Natural na may bias ang kasaysayan dahil ang kwento ng mga mamamayan ang inilalahad nito at iniuugnay sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa,” giit ni Castro.

Una nang nakatikim ng batikos si Ella Cruz mula sa mga netizen matapos nitong sabihin na “history is just tsismis.”

History is like tsismis. It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real history. Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga. As long as we’re here alive at may kanya-kanyang opinion, I respect everyone’s opinion,” ayon kay Ella. Si Cruz ay gumanap na Irene Marcos sa pro-Marcos film na “Maid in Malacañang.”