January 24, 2025

HIGWAAN NG OBIENA AT PATAFA, MAARI SANANG IWASAN – MONSOUR

INIHAYAG ni dating taekwondo champion at Olympian Monsour del Rosario na ang lamat sa pagitan ni EJ Obiena at ng Philippine Athletics Track and Field Association ay naiwasan sana kung hahayaan nilang tutukan ng Olympic pole vaulter ang kanyang trabaho bilang isang atleta.

“Nakakalungkot kasi ang sports ay mas malaki kaysa sa usapang pera. Internal problem po ito na dapat ay hindi na lumaki,” saad niya sa isang pahayag.

Ayon kay Del Rosario hindi dapat pasanin ni Obiena ang iba pang responsibilidad tulad ng accounting at liquidation ng kanyang pondo.

“Noong ako po ay nagte-train para sa sports na Taekwondo, alam ko po ang aking trabaho – matulog, kumain, magensayo at sa oras na itinakda – magpakitang gilas sa buong mundo,” dagdag ni Del Rosario na tatakbong senador.

“Hindi ko po kinailangang problemahin ang accounting – trabaho po iyan ng isang administrador o ng aking coach.”

Ayon pa kay Del Rosario mas mainam para sa national sports association (NSA) na magkaroon ng sportsman bilang lider upang mas maintindihan ang pangangailangan ng kanilang mga atleta.

“Dapat isang atleta din ang namumuno sa ating mga sports organizations kasi alam ng isang atleta kung ano mismo ang kailangan ng mga manlalaro,” wika niya.

Naiintindihan ni Del Rosario na ang gusot sa pagitan ni Obiena at PATAFA ay nag-ugat dahil sa pera.

Ngunit binigyang-diin niya na ang pamamahala sa isang atleta ay nangangailangan ng higit pa sa pera.

“Blood, sweat and tears – iyan ang binibigay natin sa bawat laban kung saan bitbit natin ang watawat ng bansa. Mas malaking bagay yan kaysa sa usaping pera,” aniya.