May 18, 2024

Helper todas sa skeletal trailer

PATAY ang isang 27-anyos na helper matapos maipit sa pagitan ng isang skeletal trailer at motor pool steel post makaraan ang naganap na freak accident sa loob ng NCT container yard sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Binawian ng buhay si Darwin Naguit, ng Kamagong Street, Brgy. Sta Clara, Sta. Maria Bulacan sanhi ng tinamonmg pinsala sa ulo at katawan habang ginagamot sa Mercy Institution ng kompanya matapos isugod ng kanyang mga ka-trabaho.

Sa imbestigasyon ni Caloocan police traffic investigator P/Cpl. Joemar Panigbatan, bago ang insidente, minamaneho ni Juezan Rosales, 47 ng Parola Compound, Tondo, Manila ang tractor head na may trailer sa loob ng NCT container yard sa Dagat-dagatan Avenue Extension, Brgy. 28 dakong 3:45 ng madaling araw upang kargahan ng container nang aksidenteng tumama ang kaliwang bahagi ng container lock nito sa harap at gilid na bahagi ng skeletal trailer na nakaparada.

Sa lakas ng impact, tumakbo pasulong ang skeletal trailer at nabangga ang biktima na sa mga oras na iyon ay naglalakad sa harap ng nakaparadang trailer hanggang sa makaladkad si Naguit bago tumama sa steel post.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, si Rosales ay iprinisinta sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.