April 29, 2024

HELPER TINARAKAN SA LEEG NG KAPITBAHAY, PATAY


PATAY ang isang helper matapos saksakin sa leeg ng kapitbahay makaraan ang pagtatalo nang magising ang suspek sa ingay ng biktima sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.      

Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong saksak kanang bahagi ng leeg ang biktimang si Ramil Sola, 38 ng Blk 50 Lot 13 Phase 3 Area 2, Maya-Maya St., Brgy. Longos.

Patuloy naman ang follow-up operation ng mga pulis upang maaresto ang suspek na kinilalang si Eric Montillano, 28, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa nakarating na report kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang dumating ang biktima sa kanilang bahay at sapilitang binuksan ang pinto nito na naging dahilan upang magising ang suspek na natutulog sa kabilang pinto dahil sa ingay.

Kinompronta ng suspek ang biktima na naging dahilan ng kanilang pagtatalo kaya’t inawat sila ng saksing si Maricel Escoto, 39.

Matapos nito, umalis ang biktima subalit lingid sa kanyang kaalaman ay sinundan siya ng suspek sa Maya-maya Street at sinaksak sa leeg gamit ang isang matulis na bagay na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

 Sa pagayag sa pulisya ng saksi, ang biktima at ang suspek ay may matagal na umanong alitan. (JUVY LUCERO)