April 29, 2024

HELPER ARESTADO SA PAGNANAKAW

SHOOT sa kulungan ang isang helper matapos pasukin at pagnakawan ang tindahan ng kanyang kabarangay sa Malabon city, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong suspek na si Larry Bartolome, 52 ng 28 Rodriguez 1 Brgy. Dampalit na nahaharap sa kasong Robbery with Upon Things.

Sa imbestigasyon ni PCpl Renz Marlon Baniqued, dakong alas-1 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang tindahan ni Eruel Navayo, 35, company driver, sa No. 06 Rodriguez 1 Brgy. Dampalit sa pamamagitan ng pagdaan sa likod na pinto matapos wasakin ang lock nito makaraang sirain ang railings ng bintana.

Nang nasa loob, naghalughog umano ang suspek saka kinuha ang P20,000 cash at assorted goods bago mabilis na tumakas.

Nang tignan ng biktima ang kuha ng kanilang personal CCTV, nakita nito ang ginawa ng suspek na naging dahilan upang humingi siya ng tulong sa Malabon Police Sub-Station 7.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng SS7 ay naaresto ang suspek subalit, hindi nabawi ang mga tinangay nito sa biktima. (JUVY LUCERO)