December 27, 2024

Halos P200K shabu nakumpiska sa 2 tulak sa Navotas

HALOS P.2 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang tulak ng illegal na droga matapos kumagat sa isinagawang buy bust ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong mga suspek na sina Marvin Oraño alyas “Mabong”, 37 ng M. Domingo St., Brgy. Tangos North at Manuelito Santos alyas “Manny”, 53 ng Bencer St., Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Umipig na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng illegal na droga ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang positibo ang report, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa M Naval St., Brgy. Tangos North, kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa kanila ng P500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang markadong salapi mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba dakong alas-2:05 ng madaling araw.

Nakumpiska sa mga suspek ang limang transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P193,120.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.