December 25, 2024

Gunman kumanta… UTAK SA PAGPATAY KAY PERCY LAPID TAGA-BILIBID

Paiimbestigahan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa Bureau of Corrections (BuCor) ang alegasyong galing sa loob ng New Bilibid Prison ang kumontrata at nag-utos na patayin ang hard-hitting radio commentator na si Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Remulla na personal niyang hihilingin kay Director General Gerald Bantag na mag-imbestiga matapos sumuko ang self-confessed gunman na kinilalang si Joel Estorial.

“I will tell him (Bantag) to give me a report on this if he has any knowledge already. What the gunman said and what DG knows we do not know if they are the same,” saad ni Remulla.

Iprinisenta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos si Estorial na nagdesisyon na sumuko dahil sa kanyang kaligtasan matapos lumabas ang kanyang larawan na kinuha mula sa closed-circuit television (CCTV) footage ng krimen.

Ibinunyag ni Estorial na anim silang kinontrata para patayin si Lapid sa halagang P550,000. Binanggit niya ang pangalan ng tatlong nakasama pero ang iba ay nasa Bilibid daw pati na ang sinasabing utak sa krimen.  “I want to be briefed about it and I will ask Secretary Abalos to brief me later,” saad ni Remulla.

“Kung sino man yan dapat malaman natin,” giit niya.

Tinambangan si Mabasa noong Oktubre 3 sa gate ng BF-Resort sa Barangay Talon Uno sa Las Piñas City noong nakaraang Oktubre 3.

Nakapagsumite na umano ng extrajudicial confession ang naturang suspek at pinangalanan nito ang tatlo pang indibidwal na aniya’y nasa likod ng pagpatay kay Lapid. Tinukoy ni Estorial ang mga pangala ng kanyang mga kapatid na sina Israel at Edmon Dimaculangan, at isang “Orlando.”