Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng halos P8 bilyong halaga ng emergency loan assistance para sa 317,721 aktibong miyembro at pensioners sa 16 na lugar na naitala sa ilalim ng State of Calamity matapos ang pinsalang dulot ng bagyong Luis, Maymay, at Neneng, pati na ang pinalakas na Southwest Monsoon (Habagat).
Sa ilalim ng programa, maaaring makahiram ng P20,000 ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner.
Para naman sa mga may umiiral na emergency loan balance, puwede silang mag-apply ng hanggang P40,000 kung saan ibabawas dito ang natitirang utang.
Ang naturang pautang ay may anim na porsyentong (6%) interes kada taon at babayaran sa loob ng 36 na buwan.
Nakatakda ang mga deadline ng aplikasyon mula Setyembre 20 hanggang Nobyembre 16, 2026, batay sa lokasyon.
Huling araw ng pag-apply sa Setyembre 20 para sa Hagonoy, Bulacan at Masinloc, Zambales; Setyembre 26 sa La Trinidad, Benguet, Bataan, pati na sa Bulacan (maliban sa Calumpit at Hagonoy) at Zambales (maliban sa Olongapo City at Masinloc); habang Setyembre 27 naman sa Nasugbu, Batangas at Paluan, Occidental Mindoro.
Para sa iba pang bayan sa Benguet (maliban sa Baguio City at La Trinidad), Tarlac, at Pangasinan (maliban sa Dagupan City, Mangaldan, at Sta. Barbara), nakatakda ang deadline sa Oktubre 2; Oktubre 3 sa Imelda, Zamboanga Sibugay; Oktubre 7 sa buong Occidental Mindoro; at Oktubre 9 sa Olongapo City. Samantala, magtatapos ang aplikasyon sa lalawigan ng Cavite sa Nobyembre 12 at sa Rodriguez, Rizal naman sa Nobyembre 16.
Upang makapag-apply, kailangang ang aktibong miyembro ay naninirahan o nagtatrabaho sa idineklarang calamity area, may babayarang premium sa nakalipas na tatlong buwan, walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal, at may natitirang net take-home pay na hindi bababa sa P5,000.
Para sa mga pensioner, kailangang manatiling hindi bababa sa 25% ng kanilang buwanang pensyon ang natitira matapos ang bawas.
Mabilis na makapag-aapply ang mga miyembro at pensioner gamit ang GSIS Touch mobile app, at direktang ipapasok ang perang maiuutang sa kanilang eCard o UMID card.
