
MANILA — Patuloy ang pag-arangkada ng “growth story” ng Clark Freeport Zone matapos palalimin ng Clark Development Corporation (CDC) ang pakikipag-ugnayan nito sa mga pangunahing industry player sa larangan ng logistics at maritime connectivity.
Sa ginanap na ika-6 na Special Meeting ng CDC Board of Directors noong Hunyo 18, 2025 sa Pier 4, North Harbor, Tondo, Metro Manila, pormal na pinagtibay ng CDC ang strategic partnership nito sa 2GO Group, Inc. upang lalong pasiglahin ang pamumuhunan sa logistics at itulak ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon.
Pinangunahan ni CDC President at CEO Atty. Agnes VST Devanadera ang delegasyon ng CDC, habang personal namang sinalubong ng 2GO Group Inc. Chairman, President, at CEO na si Frederic DyBuncio ang mga opisyal.
“We hope to expand more in Clark. We really view Clark as a growth story—it really is,” pahayag ni DyBuncio, sabay-tukoy sa potensyal ng Clark bilang logistics hub.
Bahagi rin ng pagtitipon ang pagbisita ng mga opisyal sa MV 2GO Masagana, isa sa mga pangunahing barko ng 2GO, kung saan ipinakita ang makabagong pasilidad at amenities ng sasakyang-pandagat.
Nagkaroon din ng presentasyon ang 2GO tungkol sa kanilang malawak na operasyon sa logistics, na nagpapatibay sa layunin nitong mas paigtingin pa ang ugnayan at long-term investments sa Clark Freeport Zone.
Layon ng naturang partnership na gawing sentro ng maritime logistics at inter-island connectivity ang Clark, kasabay ng pagpapalawak ng economic opportunities sa buong Central Luzon.
