December 24, 2024

Grabeng presyo ng face shield

SOBRANG nakalulula ang presyo ng face shield ngayon dahil sa pananamantala ng ilang gahaman na negosyante. Dati, mabibili mo lamang sa halagang P18 hanggang P40 bawat piraso habang P500  kung ito ay masyadong maganda at may kalidad.

Pero magmula nang ianunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na kailangang naka-face shield ang mga pasahero sa pampublikong transportasyon simula Agosto 15, biglang sumirit ang presyo ng face shield.

Sabi nga ng ilang kababayan natin, tubong lugaw ang mga negosyante. Ang dating P18  ngayon ay nasa P60 hanggang P80 na. Nagkakaubusan na nga raw ng face shield pero sa likod ng katotohanan ay itinatago lang ito ng ilang mapagsamantala para ibenta ng doble. Siyempre, kahit mahal ay mapipilitan ang mamamayan na bumili ng face shield dahil kailangan-kailangan ito para makalabas at makapaglakbay patungo sa kanilang pupuntahan.

Matapos magkamal ng malaking salapi sa face mask, alkohol at iba pang disinfectant, heto’t nagkaroon na naman ng pagkakataon ang mga sugapang mga negosyante para kumita nang malaki sa face shield. Wala silang ibang iniisip basta’t kumita ng pera habang ang mga pobre nating kababayan ay naghihikahos na sa buhay dahil wala ngang trabaho.

Mantakin ninyo, imbes na pagkain na lang ng kanilang pamilya impapambili pa nila ng pagkamahal-mahal na face shield.

Kaya nararapat lamang na magtakda ang Department of Trade and Industry (DTI) ng suggested retail price ng face shield.

Hindi maganda ang ginagawang pagsasamantala ng mga negosyante lalo na ngayong may pandemya. Masyado nang tuliro, nangangamba ang mga tao at hindi nila alam kung anong mangyayari sa kinabukasan. Dapat lang makasuhan ang mga hoarders at mga nanamantala sa nasabing pagbebenta ng face shield. Paki-sampolan nga mga iyan, mga bossing sa DTI.