
Hindi na puro salita—oras na para sa aksyon!
Magbubukas ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2025 FIBA Asia Cup laban sa malakas at binagong Chinese Taipei team sa Miyerkules, Agosto 6 (2 a.m. oras sa Maynila), sa King Abdullah Sports City Stadium.
Matapos ang matapang na deklarasyon ni national team head coach Tim Cone na target nilang maging kampeon, ito na ang unang pagsubok: ang koponang dumurog sa Gilas noong qualifiers sa sarili nitong teritoryo—Chinese Taipei.
Bagamat neutral ground ang venue, inaasahang mamamayani pa rin ang suporta ng libu-libong OFWs sa Jeddah na tiyak pupuno sa stadium para sa pambansang koponan.
Naka-sweep ng dalawang tuneup games ang Gilas—laban sa Macau (103-98) at Jordan (75-61)—bilang paghahanda sa continental tournament.
“We’ve done a lot of work… We did a lot of talking but we got to walk it,” ani Coach Cone.
Bagamat world no. 34 ang Pilipinas kumpara sa no. 73 na Chinese Taipei, hindi ito dahilan para maging kampante.
“They beat us before, and they got stronger,” babala ni Cone, patungkol sa pagdagdag ng dalawang Division 1 players at ang Hinton brothers sa roster ng Taipei.
Pamumunuan ni Justin Brownlee ang Gilas, kasama sina Dwight Ramos, Scottie Thompson, Calvin Oftana, at June Mar Fajardo na inaasahang kakapalan ang puwesto sa gitna sa kawalan ni Kai Sotto.
Handang sumalang sa tawag ng laban sina Kevin Quiambao, Carl Tamayo, CJ Perez, Chris Newsome, Japeth Aguilar, at Jamie Malonzo. (RON TOLENTINO)
