Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon na humihiling ng pagsisiyasat sa katayuan ng digitalization program ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Layon nitong gawing mas madali, mas mabilis, at mas accessible ang pagbabayad ng buwis para sa mga Pilipino. Ayon sa senador, ang pagpapabilis sa digitalization ng BIR ay magpapalakas sa tax collection ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Resolution 316, binigyang-diin ni Gatchalian na ayon sa tax campaign ng BIR noong Pebrero, 85% ng mga koleksyon ay nagmula sa electronic payments.
“Senyales ito ng kahandaan para sa ganap na digital shift at nagpapatunay sa pangangailangang pabilisin ang digitalization program ng BIR,” ani Gatchalian.
“Ang isang epektibong pangangasiwa sa buwis ay nagpapagaan sa pasanin ng mga taxpayer, nagpapataas ng compliance at nagbabawas ng red tape, pumipigil sa korapsyon, at nagpapatatag sa tiwala ng publiko,” pagbibigay-diin niya.
Sa ilalim ng Ease of Paying Taxes Act na isinulong ni Gatchalian, mandato ng BIR na magpatupad ng isang integrated digitalization strategy sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga automated end-to-end solutions para sa kapakanan ng mga taxpayer.
Upang mapabilis ang digitalization ng ahensya, nakatanggap ang BIR ng pondong nagkakahalaga ng P3.220 bilyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Gayunpaman, binanggit ni Gatchalian na mismong ang BIR na ang nagsabi na malabong maabot ang 99% digitalization rate sa taong ito.
