Nanawagan ang 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division (2ID) ng Philippine Army sa rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) na palayain ang Filipino-American na si Cristina Pasion.
Ito’y matapos makarekober ang mga awtoridad ng mga sulat-kamay na pinaniniwalaang galing kay Pasion na nagpapakita ng matinding emosyonal na paghihirap o distress habang nasa loob ng armadong grupo.
Narekober ang mga nasabing tala at diary sa pinangyarihan ng engkwentro noong March 29 sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro.
Sa nasabing bakbakan, nasawi ang Army officer na si Captain Dean Buen Oyando habang sugatan ang dalawa pang sundalo.
Sa mga nakuhang sulat na nasa wikang Ingles, inilarawan ng awtor ang kagustuhang iwanan ang lahat at magsimulang muli, kasama ang mga nakababahalang pahayag gaya ng “Please fucking kill me right now,” na nagpapakita ng seryosong banta sa kanyang mental na kalusugan.
Ayon sa ulat ng militar, si Pasion ay miyembro ng Migrante International at kasama ng isa pang Fil-Am na si Chantal Anicoche bago tumuloy sa Mindoro.
Nagkahiwalay ang dalawa matapos ang isang engkwentro noong January 1 sa Abra de Ilog.
Nakatakda sana siyang bumalik sa Estados Unidos noong March 14, ngunit hindi siya sumipot sa kanyang flight sa airport.
Kasunod ng engkwentro sa San Jose, naaresto naman ang isang Charlize Garzon malapit sa bangkay ni Capt. Oyando at ngayon ay nahaharap sa mga kasong murder at homicide.
Binigyang-diin ni Colonel Michael Aquino, Hepe ng 2ID Public Affairs Office, na ang kanilang panawagan ay batay sa makataong rason.
Hinikayat niya ang NPA na payagan si Pasion na makauwi nang ligtas lalo na’t malinaw sa kanyang mga sulat na hindi na mabuti ang kanyang kalagayan.
Nanawagan din ang 2ID sa pamilya ni Pasion na tulungan silang hikayatin ang biktima na magbalik sa Amerika at muling makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Kasabay nito, muling inanyayahan ng militar ang mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na ibaba ang armas at magbalik-loob sa batas upang magkaroon ng pagkakataong makapagsimulang muli.
