Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan ang dumaraming bilang ng mga planta ng kuryente na nakakaranas ng forced outage at alamin kung sumusunod pa rin ang mga pasilidad na ito sa ‘reliability index standards’ ng ahensya.
Muling isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Visayas grid noong Huwebes dahil sa kakulangan ng reserbang kuryente.
Ayon sa NGCP, nitong Miyerkules ay nasa 14 power plants na ang naka-forced outage simula pa noong simula ng buwan.
“Itong mga yellow at red alert, dulot ‘yan ng unplanned outages. Dapat imbestigahan ng ERC kung sumusunod pa rin ang mga plantang ito sa itinakdang standards ng gobyerno dahil paulit-ulit natin itong nakikita tuwing summer,” ani Gatchalian.
BASAHIN: PBBM, MAINIT NA TINANGGAP ANG $10-B ENERGY RESILIENCE INITIATIVE NG JAPAN
Binigyang-diin niya na ang paulit-ulit na forced outage ay direktang nagpapahirap sa mga mamimili sa gitna ng pangambang baka muling tumaas ang singil sa kuryente ngayong darating na Hunyo.
“Ang ERC ay may kapangyarihan na gawing staggered o pakonti-konti ang pagtaas ng presyo ng kuryente,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagbabantay sa performance ng mga planta ng kuryente at pananagutan ng mga generation company upang makatulong sa pag-iwas sa paulit-ulit na yellow at red alert, lalo na tuwing mga buwan ng tag-init.
