December 23, 2024

Gamit na espiya ng China? 36 Chinese national na ni-recruit sa PCG, sibak na

Sinibak na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 36 Chinese na nagawang makapasok sa auxiliary force nito, kung saan ilan sa kanila ay may ranggo pa na Brigadier General.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nagtanong si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers upang linawin ang pagpasok ng mga Chinese sa auxiliary force ng PCG.

“Most of the members that were recruited as auxiliary coast guard were all Chinese…parang na-overtaken yung coast guard,” ayon kay Barbers.

Sabi naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan sa naturang mambabatas, na kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang naturang isyu sa tulong ng intelligence at national security agencies.

Nitong mga nakalipas na buwan, naging mainit ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS). Ito’y dahil sa patuloy na pangha-harass ng Chinese Coast Guard (PCG) sa supply boat ng PCG para sa resupply mission ng tropa ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Gavin kauupo lamang niya sa kanyang puwesto nitong Oktubre 2023.

“Do you have any idea how long have they been a member of the auxiliary? Based on your records, your records would show,” tanong ni Barbers kay Gavan.

 “Around two to the three years, your honor. Some even before,” saad ng opisyal ng PCG.

“So as you see, Mr. Chair, two to three years ago, these Chinese who have been a member of the auxiliary of the coast guard have been performing perhaps spying duties dito sa atin in the guise of being auxiliary members…So I’m glad that you have already taken an action by delisting them,” sambit ng beteranong mambabatas.

Sinabi naman ni Gavan na mula nang pamunuan niya ang PCG, inire-require na niya sa mga dayuhan na nais pumasok sa ahensiya na mag-produce ng national security clearance.

Pero nang tanungin kung itong 36 Chinese national sa auxiliary force kung mayroon silang national security clearances, sinabi ni Gavan na: “They don’t have national security clearance. That’s why we have delisted them.”

Ani pa ng opisyal, sinisilip na nila ang posibilidad na ilang PCG personnel ang sangkot sa recruitment ng mga nasabing dayuhan. Ito’y kompormiso sa seguridad ng bansa, dagdag pa niya.