
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga rehiyon ng Visayas, Bicol, at Quezon ngayong araw, dulot ng easterlies o mainit na hangin mula sa silangan.
Ayon sa PAGASA, posibleng magdulot ang katamtaman hanggang malalakas na buhos ng ulan ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Mindanao ay magdadala rin ng pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm sa buong isla.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, iiral pa rin ang kaparehong lagay ng panahon — mainit na may tsansang localized thunderstorm sa hapon o gabi.
Nagpaalala rin ang PAGASA na ang malalakas na thunderstorm ay maaari ring magdulot ng flash flood o landslide, lalo na sa mga mababang lugar at bulubunduking komunidad.
Sa kabila ng mga pag-ulan, inaasahan ang banayad hanggang katamtamang hangin at mahinang alon sa buong kapuluan.
Sa ngayon, wala pang binabantayang low pressure area (LPA) na maaaring maging bagyo, ayon sa 2 a.m. weather bulletin ng PAGASA. Paalala: Patuloy na mag-monitor sa mga abiso ng PAGASA at mag-ingat sa banta ng pagbaha at landslide, lalo na kung nakatira sa mga bulubunduking lugar.
