Kinumpirma ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan ang pagkakaaresto kay Norman Mangusin, na lalong kilala bilang si Francis Leo Marcos, nitong Martes, February 24, 2026.
Ayon sa pahayag, dinakip si Mangusin ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG NCR) sa Sheraton Hotel sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 294 ng Parañaque City.
Bago ang operasyon, nagsagawa muna ng coordination meeting ang NAPOLCOM at CIDG dahil sa mga ulat tungkol sa iligal na paggamit ni Mangusin ng uniporme ng pulis.
Maliban dito, iniimbestigahan din ang seryosong alegasyon hinggil sa paggamit niya ng iba’t ibang pangalan, pasaporte, at birth certificate, pati na ang pagkakaroon ng mga hindi awtorisadong security personnel.
Nakipag-ugnayan na rin ang NAPOLCOM sa Department of Foreign Affairs at Philippine Statistics Authority para sa beripikasyon ng mga dokumento ni Mangusin dahil sa hinalang nakuha ang mga ito sa pamamagitan ng pandaraya.
Nagbabala si Commissioner Calinisan na kikilos ang batas laban sa sinumang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan o simbolo ng awtoridad upang manlinlang, at tiniyak niyang pananagutin ang suspek sa mga naging aksyon nito.
