May 19, 2024

FISH PORTER SINAKSAK NG BAYAW

Nasa malubhang kalagayan ang isang fish porter matapos saksakin ng kanyang bayaw makaraan ang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib ang biktimang si Jhomar Fajardo, alyas “Bakal”, 23 ng bridge Estrella St. Brgy Tañong.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Luisito Dela Cruz, 43, fish vendor ng Blk 29, Lot 28 Phase 6C Towerville, Brgy. Gaya-Gaya, San Jose Del Monte, Bulacan matapos maaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 6 sa follow-up operation.

Batay sa imbestigasyon nina PMSg Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy, unang nag-inuman ang biktima at ang suspek sa isang kubo sa ilalim ng Tañong bridge Estrella St. Brgy Tañong.

Matapos makaubos ng ilang bote ng alak dakong alas-6:30 ng gabi, naglabas ang biktima ng kanyang mga hinaing sa suspek na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa pagtatalo. Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas ng ice pick ang suspek at sinaksak sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib ang biktima bago tumakas habang isinugod naman si Fajardo sa naturang pagamutan.