Tuluyan nang winakasan ng Supreme Court (SC) En Banc ang usapin sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos nitong ibasura nang may pinalidad ang motion for reconsideration na inihain ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa inilabas na resolusyon, pinagtibay ng Mataas na Hukuman ang kanilang desisyon noong Hulyo 25, 2025, na nagdedeklarang “unconstitutional” ang ikaapat na impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025.
Ayon sa Korte, nilabag ng nasabing reklamo ang Article XI, Section 3(5) ng Saligang Batas, na nagbabawal sa paghahain ng higit sa isang impeachment proceeding laban sa iisang opisyal sa loob ng isang taon.
Ipinaliwanag ng SC na ang unang tatlong reklamo ay itinuturing nang “initiated” o nasimulan na para sa layunin ng one-year bar, kahit pa hindi ito agad naaksyunan ng Kamara. Nilinaw din ng hukuman na ang terminong “session days” ay tumutukoy sa mga calendar days kung kailan may pasok ang Kongreso, at hindi sa legislative session days.
Bagama’t kinikilala ng SC ang kapangyarihan ng Kamara na gumawa ng sarili nitong mga panuntunan sa impeachment, binigyang-diin ng mga magistrado na dapat pa ring sumunod ang mga ito sa mga limitasyong itinakda ng Konstitusyon.
Iginiit din ng korte na ang mga proseso ng impeachment ay sakop pa rin ng due process. Dagdag pa rito, hindi umano maaaring gamitin ang operative fact doctrine ng mga panig na responsable sa mga hakbang na idineklarang unconstitutional.
Ang desisyong ito ay ipinalabas nang may pagkakaisa (unanimous), maliban kay Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi lumahok sa botohan, at Associate Justice Maria Filomena Singh na nakabakasyon.
Dahil ang resolusyon ay “immediately executory,” wala nang anumang apela o pleadings ang tatanggapin pa ng Korte Suprema hinggil sa usaping ito.
