Kilala man sa makukulay na sining at kultura, isang tahimik ngunit makasaysayang pagbabago ang nagaganap ngayon sa serbisyong medikal sa bayan ng Angono sa pamamagitan ng kanilang “Doc-to-Door Program.”
Sa ilalim ng prinsipyong, “Kung hindi makakapunta ang pasyente sa health center, gobyerno ang lalapit,” muling binigyang-kahulugan ng lokal na pamahalaan ang paghahatid ng serbisyo para sa mga senior citizen at mga residenteng may kapansanan o hirap nang makagalaw.
Pinangunahan ng Angono Municipal Health Office (MHO), layunin ng inisyatibong ito na alisin ang pisikal at pinansyal na hadlang sa pagpapagamot. Ayon kay Mayor Gerardo Calderon, mandato ng gobyerno na tiyakin ang dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat.
“Ang mga bedridden o mga nakatatanda na nahihirapang lumakad ay hindi na dapat pang mahirapan para lamang makatanggap ng atensyong medikal,” anang alkalde.
Ang programa ay binubuo ng mga mobile medical team—mga doktor, midwife, at Barangay Health Workers (BHWs).
Ang mga pangkat na ito ay armado ng mga specialized medical bags na ipinamahagi sa sampung barangay ng Angono upang magsagawa ng libreng konsultasyon at vital signs monitoring, basic laboratory examinations sa loob mismo ng bahay. pagbibigay ng reseta at libreng gamot mula sa stock ng MHO at regular na follow-up para sa mga may malalang sakit.
Pormal na inilunsad bilang pilot program noong Disyembre 3, 2025, mabilis itong lumawak mula Barangay San Pedro hanggang sa iba pang mga barangay gaya ng Kalayaan. Noong nakaraang Enero 12, 2026, matagumpay na nabilang ang anim na pasyente sa Barangay Kalayaan na nabigyan ng lunas sa kani-kanilang tahanan.
Dahil sa tagumpay nito, nakikita ang Doc-to-Door Program bilang isang modelo na maaaring tularan ng ibang mga barangay at bayan sa buong bansa.
Ang istruktura nito ay nakaangkla sa Universal Health Care (UHC) Act (Republic Act No. 11223) na nagbibigay-priyoridad sa abot-kayang primary care.
Sinusukat ang tagumpay ng programa gamit ang LGU Health Scorecard ng DOH, kabilang ang dami ng pasyenteng naabot at ang pagbawas ng siksikan sa mga municipal health center.
Bukas ang programa para sa mga kwalipikadong residente. Maaaring magparehistro sa pamamagitan ng pagpunta sa kani-kanilang Barangay Health Center, pag-fill up sa online registration form at pagpapadala ng mensahe sa official Facebook page ng Angono Public Information Office.
“Sa bawat katok ng ating MHO Team, dala namin ay ginhawa, pag-asa, at mas mabuting kalusugan,” pagtatapos ni Mayor Calderon. (ARNOLD PAJARON JR)
