Mula sa pagiging isang maliit na pamilihan ng tinapay, ganap nang naging isang ganap at modernong food-processing enterprise ang Susan’s Bakeshop sa Piat, Cagayan matapos makatanggap ng suporta mula sa Small Enterprise Technology Upgrading Program (DOST-SETUP) ng Department of Science and Technology.
Nagsimula ang negosyo noong 2015 nang magdesisyon ang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na si Susan T. Pagulayan na umuwi sa Pilipinas pagkatapos ng 22 taong pagtatrabaho sa ibang bansa. Sa tulong ng DOST-SETUP, nakatanggap ang bakeshop ng kabuuang P733,740 na financial at technological assistance na nahati sa dalawang yugto.
Noong 2019, ibinuhos ang unang tulong na nagkakahalaga ng P103,740 para sa mga stainless-steel equipment at hulmahan na tumutugon sa Good Manufacturing Practices (GMP).
Dahil dito, napataas ang antas ng food safety ng bakeshop at matagumpay silang nakakuha ng License to Operate mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Naging dahilan din ito upang maging opisyal silang technology adopter ng Enhanced Nutribun ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Pumasok ang ikalawang tulong noong makakuha ang negosyo ng P630,000 mula sa programa para sa isang Automatic Flow Wrap Packaging Machine.
Dahil sa bagong kagamitan, umakyat ang bilis ng pag-iimpake ng tinapay mula sa manu-manong proseso patungong 28 hanggang 150 packs kada minuto, habang napananatiling malinis at ligtas ang mga produkto.
Bukod sa mga makina, nagpaabot din ang DOST ng pagsasanay ukol sa Cleaner Production Technology at Occupational Safety and Health upang mapabuti ang pamamahala at kaligtasan sa pagawaan.
Dahil sa modernisasyon, lumaki ang produksyon ng Susan’s Bakeshop at nakakuha ng mga malalaking kontrata, kabilang ang supply ng pagkain para sa Department of Education (DepEd).
Mula sa tatlong empleyado noong nagsisimula pa lamang, nakapagbibigay na ngayon ang bakeshop ng regular na trabaho sa 16 na mamamayan sa kanilang komunidad.
