Nagpaabot ng tulong ang kumpanyang Bell-Kenz Pharma sa Lungsod ng Maynila kasunod ng pagdami ng kaso ng leptospirosis dulot ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha.
Nagkaloob ang kumpanya ng 10,000 piraso ng doxycycline sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD).
Isinagawa ang donasyon matapos ideklara ng lungsod ang “epidemic condition” nang umakyat sa 3.48 porsiyento ang incidence rate ng sakit mula sa dating 1.27 porsiyento nitong nakaraang linggo.
Puno na rin ang ilang ospital sa lungsod tulad ng Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, at Justice Jose Abad Santos General Hospital.
“Kapag may krisis sa pampublikong kalusugan, napakahalaga ng mabilis na paghahatid ng gamot. Nakahanda ang Bell-Kenz Pharma na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at frontliners upang matugunan ang pangangailangang pangkagalingan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Patrick Larraga, Head ng Corporate Communications at Public Affairs ng Bell-Kenz Pharma.
Bukod sa Lungsod ng Maynila, nagbigay din ang kumpanya ng 2,000 piraso ng doxycycline sa Coast Guard District National Capital Region–Central Luzon (CGDNCR-CL) at 50 kahon naman sa Coast Guard District Central Visayas (CGDCV) para sa mga frontline personnel na tumutugon sa mga sakuna.
Personal na tinanggap ni MCDRRMD Head Arnel Angeles ang donasyon para sa Maynila, habang sina CGDNCR-CL Deputy Commander Captain Francisco Achilles Acedillo at CGDCV Chief of Staff Lieutenant Commander Cherry Rose Manaay naman ang tumanggap para sa kani-kanilang distrito ng Philippine Coast Guard.
Kaugnay nito, patuloy na nagpapaalala ang pamahalaan ng Maynila sa publiko at nag-aalok ng libreng doxycycline sa mga health center at pampublikong ospital para sa mga nababad sa baha.
