IDINIIN ng mga nagpapakilalang dating security personnel at “bagmen” si Senator Francis “Chiz” Escudero na tumanggap diumano ng mga maleta ng cash na nagmula sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa isang press conference na ginanap nitong Martes sa Mandaluyong City, inilatag ng tinaguriang “18 ex-bagmen” na dating mga tauhan ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, ang mga bagong detalye sa kontrobersiya sa pangunguna nina dating Rep. Mike Defensor at Atty. Levito Baligod.
Ayon sa testimonya ng dalawa sa mga testigo, personal nilang binuhat at inihatid ang apat na maleta na may iba’t ibang sukat na naglalaman ng milyun-milyong pisong cash direkta sa tahanan ni Escudero sa New Manila.
BASAHIN: P5-M kada ulo ng 18 ex-marines para tumestigo sa flood control scandal
Upang patunayan ang alegasyon, nagpakita ang mga ito ng mga larawan ng lokasyon at ikinuwento pa na nakasabay nilang kumain ng hipon ang mga kasambahay sa loob ng ari-arian habang ginagawa ang transaksyon.
Matatandaang una nang itinanggi ni Escudero ang anumang pagkakasangkot sa sinasabing kickback scheme sa flood control.
Samantala, mariin namang sinupalpal ni Mike Defensor ang mga ulat mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na nag-aakusa sa kaniya na nanuhol ng P5 milyong piso sa bawat testigo para lamang magsalita laban sa mga opisyal ng gobyerno.
“Ang mga ganitong banat ng NBI ay bahagi lamang ng maruming taktika ng aming mga kalaban sa politika upang sirain ang kredibilidad ng mga testigo at patahimikin ang isinasagawang imbestigasyon,” pahayag ni Defensor.
Hinarap din ng grupo ang naging pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Navy na kumukuwestiyon sa kanilang pagiging tunay na ex-Marines.
Ayon sa panig ng depensa, anuman ang katayuan ng mga ito sa militar, hindi nito mababago ang katotohanan na sila ang aktuwal na nakakita, nagbuhat, at nag-abot ng mga maleta ng pera.
Nanindigan sina Defensor at Atty. Baligod na may sapat at matitibay silang ebidensya at affidavits na handa nilang iprisinta sa oras na gumulong ang pormal na imbestigasyon sa Senado o sa tanggapan ng Ombudsman.
