May 3, 2024

ESTABLISIMYENTO NILIMAS NG ISANG HOLDAPER SA BATANGAS

LIPA CITY, BATANGAS – Mistulang naka-jackpot ang isang hindi kilalang suspek na holdaper na lumimas sa kita ng Happy D and D General Merchandise kasama na rin ang mga personal na gamit at pera ng tatlong empleyado at isang customer na tiyempong bumibili lamang ng damit noong hapon ng Biyernes sa Brgy. Inosluban sa nabanggit na bayan.

Nakilala ang mga biktima na sina Kassandra Mendoza, Rhina Olan, Jonalyn Maulion, mga pawang empleyado ng nabanggit na establisimyento at ang customer na si Jolina Sales na mga kapwa nasa hustong gulang.

Batay sa report ng Lipa City police station isang tawag sa telepono ang kanilang natanggap galing sa isang concerned citizen tungkol sa naganap na holdapan sa nasabing lugar na agad naman nirespondehan ng mga otoridad at agad na isinalaysay ng mga biktima na isang hindi kilalang suspek na lalake ang pumasok sa kanilang tindahan at agad nagdeklara ng holdap gamit ang ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Nakuha ng suspek ang halagang humigit at kumulang sa P100,000 na kinita ng tindahan habang kinuha din ng suspek ang isang kulay itim na shoulder bag na meron laman na kulay army green wallet na naglalaman ng PRC ID, Philhealth ID at P3,000 ni Mendoza, isang kulay blue at pink na Vivo S1 cell phone na nagkakahalaga ng P19,000 ang kay Olan at nakuha rin ng suspek ang isang Iphone X na nagkakahalaga ng P25,000 ni Maulion at isang kulay itim na Oppo A5s naman ang tinangay kay Sales.

Mabilis na tumakas ang suspek gamit ang isang motorsiklo na walang plaka patungo sa direksyon ng Brgy. Plaridel. Pinag-a-aralan na ng mga otoridad ang mga kuha sa CCTV video para malaman ang pagkatao ng suspek. Naglatag na rin ng follow up operation para madakip ang posibleng suspek sa naganap na holdapan. (KOI HIPOLITO)